LEGAZPI CITY – Nanguna sa listahan ng mga lumabag sa weekly violation report ng Highway Enforcement Patrol Task Group (HEPTG) ang mga motoristang walang suot na helmet sa buong lalawigan ng Albay.
Sa pakikipagtulungan ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) sa HEPTG, nakumpirma na ang mga motoristang walang suot na helmet ang may pinakamataas na bilang sa weekly violation report ng nasabing task group.
Sa huling ulat, kinumpirma ng HEPTG na mayroong nasa humigit-kumulang 79 ang bilang ng mga nadakip na motoristang walang helmet sa buong lalawigan mula Hulyo 17-Hulyo 21 ngayong taon.
Ayon kay Traffic Czar Roderick Mendoza, ang Republic Act No. 10054 ay nag-uutos sa lahat ng motorcycle riders na magsuot ng standard protective helmet habang nagmamaneho.
Binigyang-diin din ni Mendoza na sa Republic Act No. 10054, ang mga motorcycle riders ay kailangang magsuot ng helmet na may Philippine Standard (PS) Quality and/o Safety Mark at Import Commodity Clearance (ICC) Sticker bilang patunay na sumailalim na sila sa quality and control check.
Nagpaaala naman si Mendoza sa lahat ng mga sakay ng motorsiklo na magsuot ng prescribed na helmet upang maiwasan ang mga aksidente o pagmultahin ng aabot sa isang libo limang daang piso (1,500) para sa paglabag sa kahit na anumang traffic violations na walang warnings.