Mga nabakunahan ng COVID- 19 vaccine dapat obserbahan ang sarili sa loob ng isang taon

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Department of Health (DOH) na dapat obserbahan ng mga nabakunahan ng COVID- 19 vaccine ang kanilang sarili sa loob ng isang taon para sa anumang adverse effect na maaaring maranasan.

Ito umano ang dahilan kung bakit mayroong form na ibinibigay sa mga nabakunahan pag uwi sa bahay para itala ang mga naging epekto ng bakuna.

Sa media dialogue nitong Martes, sinabi ni Dr. Rita Mae Ang-Bon, Regional Coordinator ng COVID- 19 vaccine na magkaiba ang nararanasang adverse events following immunization (AEFIs) ng mga nabakunahan ng AstraZeneca at Sinovac.

Paliwanag ni Bon, ang karaniwang epekto ng Sinovac na naireport sa kanila ay ang pananakit ng ulo o headache, bahagyang pagtaas ng blood pressure at may ilan din na nakaranas ng pangangati.

Agad naman daw nawawala ang pangangati pagkatapos uminom ng Antihistamine.

Maaaring ang bahagyang pagtaas ng blood pressure ay dahil umano sa kaba bunsod ng pinagdaanang proseso.

Nag- iiba raw kasi ang blood pressure sa buong maghapon depende na rin sa aktibidad ng katawan.

Kabilang din sa AEFI ng Sinovac ay ang pagsakit ng bahagi ng katawan na tinurukan.

Sa AstraZeneca naman ay karaniwan umano ang flu like symptoms tulad ng lagnat, pananakit ng katawan o masamang pakiramdam.

Karamihan umano sa mga naireport na nakakaranas nito ay ang mga mas batang nabakunahan na matapos makatanggap ng bakuna ay nakakaranas ng flu like symptoms at pananakit ng kasu- kasuan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *