Mga nabakunahang nasa A1 priority list sa City of Ilagan, nasa 99.6% na

Nasa 99.6% na sa mga frontliners o kabilang sa Group A1 priority list ang nabakunahan ng COVID-19 vaccine sa City of Ilagan.

Sa ibinahaging pahayag ni City of Ilagan Mayor Jay Diaz, bukod sa A1 priority list ay nasa 15.5% na rin ng mga senior citizen o A2 ang nabakunahan.

Habang 80% naman ang nabakunahang kabilang sa group A3 o mga may comorbid.


Ayon pa kay Mayor Diaz, hinihintay na lamang ng lokal na pamahalaan ng City of Ilagan ang mga bakunang kanilang inorder upang masimulan na ang pagbabakuna sa mga nasa A4 priority list maging ang mga kabilang sa A5.

Samantala, nananatili naman ang lunsod sa medium risk category at batay sa ibinahaging datos ni Mayor Diaz ay mayroong 78 na aktibong kaso ang lunsod.


Dagdag pa niya, sa nakalipas na 2 linggo ay nasa 17% ang growth rate at 1:8 naman o sa bawat isang nagpopositibo sa COVID-19 ay nasa 8 katao ang nahahawaan.

Muli naman niyang hinikayat ang publiko na sumunod sa ipinapatupad na minimum health protocols habang ang mga hindi pa nakakatanggap ng bakuna na kabilang sa priority list ay magpabakuna na upang makamit ng siyudad ang herd immunity.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *