Mga nagtitinda sa Daraga, Albay, hindi umano makakalusot sa mga otoridad kahit pa nasa pribadong lugar sila – PSO Daraga

LEGAZPI CITY – Hindi pa rin makakalusot sa kamay ng mga otoridad, partikular sa Public Safety Office (PSO) Daraga, Albay ang mga nagtitinda sa gilid ng kalsada tuwing Night Market kahit pa nasa pribadong lugar ang mga ito.

Kaugnay pa rin ito ng reklamo ng ilang mga manininda matapos silang paulit-ulit na ticketan ng nasabing tanggapan sa kanilang pagtitinda.

Paliwanag ng mga ito, nasa pribadong lugar naman umano sila kaya’t hindi dapat na hulihin.

Subalit, ang paliwanag naman ni Officer Lorenzo Bañas sa Brigada News FM Legazpi, kahit pa nasa pribadong lugar, kung hindi naman sila inisyuhan ng permit, hindi pa rin sila makakalusot.

Aniya, nakikipagmatigasan sa kanila ang ilang mga nagtitinda, kaya lang wala naman umano silang maipakitang permit na nagpapahintulot na gamitin ang lugar na iyon para sa kanilang negosyo at hindi naman sila kumuha nito sa LGU.

Binigyang-diin ni Bañas, isa pa rin iyon sa mga paglabag sa inilabas na municipal ordinance.

Matatandaan, kamakailan ay mayroong kumalat na video online kung saan makikitang sinisita at kinukumpiska ng mga tauhan ng PSO ang mga paninda ng ilang vendors dahil sa paglabag nila sa kautusan ng pagbabawal sa pagtitinda sa gilid ng kalsada sa bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *