Mga nilindol na ‘di nakatanggap ng shelter assistance, nagreklamo!

KORONADAL CITY — INIREREKLAMO ngayon ng mahigit sa 200 mga residente ng Tulunan, North Cotabato na nilindol noong 2019 ang kanilang Municipal Social Welfare Office o MSWDO dahil umano sa pangakong shelter assistance na napako hanggang sa ngayon.

Sa panayam ng 95.7 Brigada News FM Koronadal kay Merna Gaton, residente ng Barangay Poblacion ng nasabing bayan, pinapunta umano sila ng kanilang Punong Barangay sa tanggapan ng MSWDO-Tulunan upang kunin ang kanilang shelter assistance na tig-P11,000 sa bawat bahay na sinira ng lindol.

Ngunit inabot na lamang umano ng hapon ang kanilang paghihintay sa pila at wala silang natanggap dahil unlisted o wala sa listahan ang kanilang mga pangalan para sa nasabing assistance.

Dahil dito, inakusahan ni Gaton ang MSWDO na hindi patas sa pamimigay ng tulong dahil nakatanggap naman umano ng financial assistance ang kapatid at kapit-bahay nito na pareho din nitong nawalan ng bahay dahil sa lindol.

Kaugnay nito, pinasiguro naman ni DSWD-12 Regional Director Restituto Macuto na paiimbestigahan ang reklamo ng nabanggit na mga residente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *