Mga overflow bridge sa Isabela, isasara mamayang alas-5 ng hapon

Nakatakdang isara mamayang alas-5 ng hapon ang lahat ng overflow bridge sa Lalawigan ng Isabela upang mailayo sa sakuna ang mga motorista dahil sa maaaring pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog dulot ng ulan na dala ni bagyong Maring.

Ito ang kinumpirma ni Retired PBGen. Jimmy Rivera, PDRRM Isabela Officer sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.

Aniya, ipinag-utos na sa mga Police Station na nakakasakop sa mga overflow bridge sa San Agustin, City of Ilagan, Echague, Cabagan- Sta Maria, Cansan – Bagutari Sto Tomas, Alicaocao at Reina Mercedes na isara ang mga ito mula alas-5 ng hapon ngayong araw.

Samantala, umiiral na rin sa mga coastal towns sa lalawigan na kinabibilangan ng Maconacon, Divilacan, Palanan at Dinapigue ang no sailing, no fishing at no swimming police maging ang liquor ban.

Nakaalerto na rin aniya ang mga coastal at river watch patrol para sa maaaring epekto ng bagyong Maring habang nagkaroon na umano ng text blast upang mapaalalahanan ang mga residente malapit sa tabing ilog na mag-ingat.

Ayon pa kay PDRRMO Rivera, sa ngayon ay wala pang pre-emptive evacuation na isinagawa sa mga coastal towns ngunit tinayak nito na anumang oras ay nakahanda na ang mga Local Disaster Risk Reduction Management Council, PNP at LGUs.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *