CAMARINES NORTE- Nabawasan na umano ang mga pagala- galang aso sa national highway na sakop ng Basud, Camarines Norte mula nang magkaroon ng pasilidad sa Barangay Taisan na nagsisilbing dog impounding area.
Ayon kay Municipal Agriculturist Harry James Felomino lingguhan ang isinasagawa nilang pag-iikot o kung minsan ay dalawang beses pa sa isang linggo upang hulihin ang mga pagala- galang aso alinsunod sa umiiral na ordinansa.
Nakatuon umano ang pansin ng Municipal Agriculture Office (MAO) sa highway dahil nagiging sanhi ng aksidente sa kalsada ang mga pagala-galang aso.
Ani Felomino, mayroong ordinansa sa bayan ng Basud hinggil sa responsible pet ownership upang hindi ito makaperwisyo sa ibang tao at maging sanhi ng aksidente sa kalsada.
Sa ilalim ng ordinansa ay huhulihin ang mga pagala- galang aso at pagmumultahin ang may ari ng P500.
Nagbibigay ng hanggang tatlong araw na palugit ang munisipyo sa may ari para tubusin ang alagang aso at sa ika-apat na araw ay ipapaampon na ito sa nagnanais na mag-alaga.
Kapag hindi ito natubos ng may ari at wala ring nag ampon sa ikalimang araw ay saka pa lang ito papatayin sa pamamagitan ng euthanasia.
Sa datos ng Provincial Health Office, tumaas ang kaso ng animal bite sa lalawigan ng Camarines Norte noong 2022 dahil sa dami rin ng mga pagala-galang aso
Umabot sa 11,614 ang ng kaso ng Animal Bite sa buong probinsya hanggang noong March 29 na mas mataas sa 9,941 kumpara noong 2021 at pinakamataas sa nakalipas na tatlong taon.
