MGA PASAHERONG NAKARANAS NG DISKRIMINASYON MULA SA SINAKYANG TRAYSIKEL, DAPAT SUMANGGUNI SA POSD CAUAYAN

Hinihikayat ng pamunuan ng Public Order and Safety Division Cauayan City na mag-reklamo ang mga komyuters na nakararanas ng diskriminasyon mula sa mga tsuper ng traysikel.

Ito’y matapos kumalat sa social media ang naranasan ng isang estudyante makaraang pababain ng tsuper ng tricycle sa hindi naman nito destinasyon.

Sa post ng estudyante, nauna umanong ibinaba ng tsuper ang dalawang kasama nito subalit nang siya na lamang ang natitira ay bigla umanong nag-desisyon na ibaba ang estudyante sa isang lugar na malayo pa sa kaniyang destinasyon.

Ayon umano sa drayber, hindi na nito nais pang tumuloy sa pamamasada dahil narin sa basang basa na ito bunsod ng patuloy na nararanasang malakas na ulan dahilan upang madismaya ang estudyante subalit hindi na nito nagawa pang mag-reklamo at bumaba na lamang ito sa traysikel.

Dahil dito, sumangguni ang biktima sa pamunuan ng POSD at dito naman kaagad umaksyon ang naturang ahensya kung saan ipinatawag ang inirereklamong drayber.

Sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Malillin, nagkausap at nagkaayos na aniya ang magkabilang panig at nangako ang tsuper ng traysikel na hindi na nito uulitin ang kaniyang maling ginawa.

Ayon pa kay POSD Chief Malillin, paulit-ulit aniyang ipinapaalala sa mga mananakay na isumbong sa kanilang tanggapan ang mga tsuper na mapang-abuso at kunin ang kanilang body number.

Sinuman aniyang hindi susunod sa patakaran ay papatawan ng kaukulang parusa na posible pang mauwi sa pagkakakumpiska ng prangkisa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *