Mga Pilipinong scientists, nakaranas nang pangha-harass mula sa China

Kinumpirma ng mga Pilipinong scientists na nagsasagawa ng research sa West Philippine Sea na nakaranas rin sila ng harassment mula sa China.

Inihayag ito ng Filipino researchers mula sa University of the Philippines Marine Science Institute matapos ang pagbabalik ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa insidente sa Ayungin Shoal.

Sinabi ng microbial oceanographer na si Deo Onda, na bagamat wala naman pagbabanta ng pagsagasa sa kanilang barko, ay naobserbahan nila ang panay na pagsunod ng Chinese vessels sa kanila.

Ipinunto ni Onda na hindi na nakasunod ang mga malalaking barko ng China nang sila ay magtungo sa isang bahura na may mababaw na tubig.

Inihayag rin ni Onda na nakatanggap sila ng mga tawag mula sa Chinese coast guard kung saan ay sinabi umano nito na nanghimasok sila sa Chinese territory.

Kaugnay nito ay sinabi ni Ondo na maayos naman silang nakikipag-ugnayan sa national government sa tuwing nagpupunta sila sa WPS para magsaliksik.

Anya, nakikipag-coordinate sila sa mga tropa ng gobyerno sa tuwing meron silang expeditions.

Ibinunyag naman ni Onda na pinalalakas ng China ang claim nito sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng pagpu-publish ng research nila na isinagawa sa lugar nang hindi kinikilala na bahagi ito ng teritoryo ng Pilipinas.

Ayon kay Onda, nakapagpatayo na ang China ng tatlong research stations sa West Philippine Sea at nagagawa rin nitong magpadala ng daan-daang research vessels.

Meron naman isang barko na ipinadadala ang Pilipinas sa mga teritoryo nito sa West Philippine Sea para sa research, ngunit sinisikap na ng Pilipinas na madagdagan ito ng apat.

Leave a Reply

Your email address will not be published.