Mga Pinoy sa Israel, hindi pa maaring i-repatriate ayon sa OWWA

Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na meron rapid rescue team ang naka-monitor sa sitwasyon sa Israel sa gitna ng nangyayaring bakbakan sa pagitan ng mga Israeli at ng militanteng grupo na Hamas.

Ayon kay OWWA adminsitrator Hans Cacdac, nailikas na ang mga Pilipino mula sa Gaza at sa mga lungsod ng Ashkelon at Ashdod.

Gayunman, sinabi ni Cacdac na hindi pa maaring i-repatriate ang mga Pilipino dahil sa mga rocket fire at operasyon ng ground troops.

Anya, mas makabubuti kung mananatili muna ang mga OFWs sa kanilang mga kinaroroonan ngayon.

Ipinunto ni Cacdac na pwedeng humingi ng saklolo ang mga OFWs para madala sila sa mga ligtas na shelter at sa katunayan ay meron nang dalawang simbahan ang natukoy bilang staging area o lugar kung saan ay pwede silang magtipon-tipon.

Sa ngayon ay wala pang napapaulat na Pilipino na nasaktan mula sa tumitinding gulo.

Ito na ang pinakamalalang bakbakan sa pagitan ng Israel at Hamas simula pa noong 2014, at sa kasalukuyan ay nasa 35 na ang napaulat na napatay sa Gaza habang nasa 5 naman ang Israel.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *