Mga POGO’s, dapat nang palayasin sa lalong madaling panahon ayon sa mambabatas

Dapat nang palayasin sa bansa sa lalong madaling panahon ang Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs.

Ito ang iginiit ni Senador Risa Hontiveros kasabay ng kanyang panawagan kagaya ng ilang mga Senador na buwagin na ang operasyon ng POGO sa bansa.

Ayon sa Senadora, naging klaro na mula pa sa mga dating pagdinig na maging kahit sino kasama ang mga menor de edad ay nagiging biktima ng pang-aabuso at karahasan ng mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa POGO.

Malinaw aniya na dahil rin sa POGO ay nagkaroon ng malawakang korapsyon sa Bureau of Immigration (BI).

Bukod dito, milyon-milyon na rin daw ang utang nilang mga buwis sa gobyerno.

Binigyang diin ni Hontiveros na ang mga dahilang ito ang nagpapatunay na walang magandang naidulot sa bansa ang POGO.

Samantala, para naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, kailangan din ng China na kumilos kung paano nila papauwiin sa kanilang bansa ang mga Chinese nationals na tapos na ang employment sa bansa at expired na ang kanilag visa.

Sa darating na Huwebes, nakatakda ang pagdinig ng Senado partikular ang Senate Committee on Ways and Means para busisiin ang mga iligal na gawain na may kaugnayan sa POGO.

Kasama rin sa iimbestigahan kung magkano pa ba ang kinikita ng gobyerno mula sa POGO sa kasalukuyan.

40K Chinese Nationals na POGO workers, overstaying na sa bansa – DOJ

Samantala, kinumpirma naman ni Justice Secretary Boying Remulla na aabot sa 40,000 na mga Chinese nationals na POGO employees ang overstaying na sa bansa.

Mayroon aniyang 216 na mga lisensyadong POGOs ang huminto na sa pagre-remit ng dues at revenues sa PAGCOR.

Aminado naman ang Kalihim na posibleng mauwi sa humanitarian crisis ang deportation ng mga ito dahil baka hindi sila basta-basta tatanggapin ng China.
#

Senador Jinggoy Estrada, nais ipanatili ang mga legal na POGOs sa bansa//Mga empleyado rito, dapat mas marami raw ang mga Pilipino at hindi mga Chinese nationals

Naniniwala si Senador Jinggoy Estrada na dapat manatili ang mga legal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs sa bansa.

Ito ang pahayag ng Senador sa gitna ng mga panawagan na i-ban na ang POGO dahil sa kabi-kabila at sunod-sunod na mga iligal na aktibidad na may kaugnayan rito.

Ayon sa Senador, hindi makatwiran na saklawin ang pagpapaalis sa nga POGOs at madamay ang mga kumpanyang legal at maayos na nagpapatakbo ng kanilang negosyo sa bansa, lalo na ang mga tumatalima sa mga umiiral na mga kautusan at batas.

Kasabay nito, nais ng mambabatas na mas maraming mga Pilipino ang maging empleyado ng POGOs para sa ikaaangat aniya ng local jobs.

Base aniya sa datos, halos nasa 70 percent ng mga empleyado ng mga POGOs na nag-ooperate ay pawang mga Chinese nationals.

Para sa Senador, dapat mag-comply ang mga POGOs sa 70 percent Filipino staffing requirement kung magpapatuloy pa ang kanilang operasyon.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *