Walang nakikitang masama ang Department of Education sa pag-donate at pakikilahok ng mga pulitiko sa Brigada Eskwela.
Ito ang sinabi ni Administrative Officer V at Division Information Officer Antonio Ahmad sa naging panayam ng Brigada News FM Daet makaraang matanong hinggil sa partisipasyon ng mga pulitiko sa aktibidad sa harap ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay Ahmad, hindi maituturing na “electioneering” sa pananaw ng DepEd kung may mga pulitikong magbibigay ng donasyon kahit pa nakalagay ang pangalan ng mga ito.
Aminado naman si Ahmad na hindi talaga maiiwasan na may mga pulitikong eeksena at may posibilidad rin na magamit na platform ang Brigada Eskwela para sa kanilang personal na layunin.
Sa punto umanong ito ay labas na ang DepEd sa kung ano man ang intensyon ng isang tao basta’t committed ang mga itong tumulong para maihanda ang mga eskwelahan sa pagbubukas ng klase.
Kikilalanin aniya ng departamento ang sinumang indibidwal at grupo na nagbibigay ng tulong sa diwa ng bayanihan sa Brigada Eskwela.
Gayunman, ibang usapan naman aniya kung gagawin lang marketing stage ang aktibidad at wala namang ibinibigay na commitment o tulong.
