Mga sakit na maaaring makuha sa tag-init, inilatag ng Albay PHO

LEGAZPI CITY – Inilatag ng Albay Provincial Health Office (PHO) ang mga sakit na posibleng makuha ng mga tao ngayong tag-init, gayong halos laging napapasama ang Legazpi City sa may mga matataas na heat index sa bansa.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay PHO Head Dra. Zenit Estrela, sinabi niya na halos magtatatlong linggo na rin mula nang maglabas sila ng abiso tungkol sa mga sakit na nakukuha tuwing summer season.

Aniya, madalas na nakukuha sa panahong ito ay ang heat stroke – ito umano ang numero unong sakit na madalas makuha partikular sa mga may edad na lalo na kung hypertensive o may mga maintenance na.

Hindi dapat umano silang ma-expose sa sobrang init kaya’t dapat aniya palaging magdala ng tubig.

Isa pa umano rito ay ang diarrhea o pagdudumi at pagsusuka kung saan madalas ay nakukuha ito sa mga pagkain na hindi nai-store nang maayos.

Sinabi pa ni Estrela, ang sore eyes maging ang ubo’t sipon ay mga viral infection na madali ring makuha ngayong tag-init at madali ring makahawa.

Bukod sa mga ito ay marami pa umanong mga sakit ang posibleng makuha tuwing tag-init tulad ng problema o inspeksyon sa balat.

Paalala ni Estrela, panatilihin ang pag-iingat upang hindi makuha ang nabanggit na mga sakit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *