Mga service vehicle para sa balik eskwela, babantayan ng LTO

Iniatas ng Land Transportation Office (LTO) na mahigpit na bantayan ang mga school service vehicles na lalabag sa batas trapiko kaugnay ng pagbabalik eskwela ng mga estudyante bukas Aug. 29, Martes.

Mariing pinatututukan ng LTO ang mga overloaded, unregistered at colorum na school service gayundin ang pagsasagawa ng verification ng drivers’ licenses at motor vehicle registrations.

Bukod dito, pinatitiyak din ni LTO chief Vigor Mendoza sa mga regional officer ang road safety measures na dapat aniya ay may mga nakapwestong tauhan lalo na sa mga malalaking paaralan.

Sa Metro Manila ilan sa mga tinututukan ay ang Batasan Hills National School, Pres. Corazon C. Aquino Elementary School at Bagong Silangan Elementary School, lahat sa Quezon City, at ang Dr. Alejandro Albert Elementary School sa Sampaloc, Manila.

Tatagal ang Oplan Balik Eskwela 2023 hanggang Setyembre 8 kung saan may mga checkpoint din nakalatag sa mga LTO para masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at magulang.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *