Mga suspek sa pagpatay sa bise alkalde ng Aparri, hindi miyembro ng PNP – PRO2

Kinumpirma ni Police Regional Office 2 Acting Regional Director PBGen Percival Rumbaoa na hindi miyembro ng PNP ang mga sangkot sa pananambang at pagpatay sa bise alkalde ng Aparri, Cagayan at lima nitong kasamahan.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa PRO2, iginiit ni PBGen Rumbaoa na hindi lehitimong miyembro ng PNP ang mga sangkot sa naturang krimen.

Ito ay makaraang iniulat na nakasuot umano ng PNP pixelized uniform ang mga suspek.

Iniutos na nito ang malawakang hot pursuit operation upang mahuli at makilala ang tinatayang anim na suspek sa pananambang at pagpatay sa bise alkalde at lima nitong kasamahan kahapon sa Kinacao, Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Bukod sa nasawing Vice Mayor na si Rommel Alameda ay kinilala pa ang mga kasamahan nitong biktima na sina Alexander Delos Angeles, 47-anyos, Alvin Abel, 48-anyos, Abraham Ramos, 48-anyos, John Duane Almeda, 46-anyos at isa pang kasamahan na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.

Tiniyak naman ng Police Regional Office 2 na hindi titigil ang kanilang hanay sa pag-iimbestiga upang mapanagot ang mga suspek at taong nasa likod ng krimen habang bumuo na ng Special Investigation Task Group ang NVPPO na tututok sa imbestigasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *