MIAA sa ulat na isa sa ‘most stressful airport’ ang NAIA – ‘Na-stress din kami’

Tinitingnan umano ng Department of Transportation bilang isang hamon ang mga pag-aaral kung saan ay kumulelat ang ilang mga public transportation services sa Pilipinas sa buong mundo.

Kabilang na rito ang ulat ng 2022 public transit sub-index kung saan ika-lima ang Metro Maynila sa may ‘worst public transportation‘; pati na rin ang pagkakakuha ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng markang ‘3rd most stressful airport’ sa Asia at Oceania.

Sa isang panayam, humingi ng paumanhin si Transportation Secretary Jaime Bautista sa mga Pilipinong mananakay.

Aniya, pinamamadali na umano nila ang mga transportation projects na nasimulan ng nagdang administrasyon.

Tiniyak din niya ang reporma sa public transportation, pati na rin ang pagpapalawig sa Libreng Sakay.

Kinumpirma naman ng Kalihim ang plano nilang privitization ng maintenance ng EDSA Busway at pagdaragdag ng mga bus stops dito.

‘Na-stress din kami’

Ito ang naging reaksyon ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Cesar Chiong sa ulat na naging ikatlo ang NAIA sa ‘most stressful’ airport sa Asia at Oceania.

Sa isang panayam, tiniyak ni Chiong na ginagawa na nila ang mga hakbang para mabawasan ang ‘stress’ ng mga pasahero sa paliparan.

Kabilang na umano rito ang mga programa para ma-‘enhance’ ang experience ng mga mananakay, pati na rin ang paglilipat ng ilang flights mula Terminal 1 sa Terminal 2.

Dahil dito, inaasahang mapaluluwag ang mga naturang terminals kung saan, makakabenepisyo ang nasa pitong libong mga pasahero kada araw.

Sa huli, tiniyak ni Chiong na ginagawa nila ang lahat para mapabuti ang flight experience sa NAIA; at muli rin niyang siniguro na handa na sila sa inaasahang buhos ng mga pasahero ngayong Holiday season.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *