Milyong doses ng bakuna na nag-expire, paiimbestigahan sa Senado

Pinaiimbestigahan ni Senador Risa Hontiveros sa Senado ang posibleng ‘overprocurement’ at pagsasayang ng gobyerno ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Sa kanyang inihaing resolusyon, nakasaad na responsibilidad ng pamahalaan na matiyak ang epektibong regulasyon sa implementasyon ng COVID-19 vaccination program.

Kasama rito aniya ang pagtitiyak partikular ng Department of Health na sapat ang mga bakuna at magagamit ito lahat.

Sa resolusyon ni Hontiveros, sinabi rito na batay sa datos ng National Task Force against COVID-19, umabot na sa mahigit 71 million na mga Pilipino ang nakatanggap ng kumpletong dose ng bakuna habang mahigit 16 million naman ang mayroon nang booster shot.

Ibig sabihin, naabot na ng bansa ang target na bilang ng dapat na mabakunahan laban sa COVID-19.

Kaugnay nito, batay sa pagtaya ng Senadora at sa datos na rin ng DOH, mayroong aabot sa 86.9 million doses na suplay ng bakuna ang hindi pa naituturok hanggang sa ngayon.

Binanggit din sa resolusyon ang ulat kamakailan ni dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang nasa P5.1 billion na halaga ng mga bakuna na nasayang matapos ma-expired.

Ipinunto ng mambabatas, hindi katanggap tanggap kung masasayang lamang ang bilyon-bilyung pisong halaga ng bakuna nang dahil lamang sa posibleng kapabayaan.

Aniya, nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 kung saan kailangan pa rin ng pondo para sa patuloy na pagbangon ng iba’t-ibang sektor.(CLAY MARQUEZ)
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *