Minero patay sa pananaksak ng kapwa minero sa bayan ng Paracale

CAMARINES NORTE- Patay sa pananaksak ang isang 39 anyos na minero matapos pagsasaksakin ng kapwa minero sa Paracale, Camarines Norte.

Nangyari ito noon pang araw ng linggo, Enero 16 dakong alas 5 ng hapon sa Sitio Manning, Barangay Casalugan pero naireport lang  sa himpilan ng pulisya kahapon ng umaga.

Ayon sa Paracale Police, kinilala ang biktima na si Lito Contrata,  residente ng Purok-5 Barangay Daguit, Labo.

Ang kapatid na babae ng biktima ang nagreport sa pulis hinggil sa sinapit ng kaniyang kapatid.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, habang ang biktima ay nanghihiram ng charger ng cellphone sa isang kakilala ay walang anu-ano’y bigla na lamang umatake ang suspek  na kinilala lang sa pangalang JR at inundayan ng saksak ang una.

Nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital pero binawian ito ng buhay kinabukasan, Enero 17.

Sa ngayon ay inihahanda na ng imbestigador ng nasabing himpilan ng pulisya ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek lalo’t mayroon umanong saksi na nakakita sa nangyaring pananaksak.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *