Miss Universe 2021, gagawin sa Israel sa Disyembre

Inanunsyo ng Miss Universe organization na isasagawa ang ika-70 edisyon ng pageant sa Israel sa katapusan ng taon.

Ibo-broadcast ng live sa buong mundo sa December 2021 ang coronation night mula sa Eilat, na isang port city mula sa timog na bahagi ng Israel.

Ibinunyag ng organisasyon ang venue sa pamamagitan ng isang video, na nagpapakita sa mga dati at kasalukuyang Miss Universe winners, na inilabas sa lahat ng social media channels nito.

Kabilang sa mga ipinalabas sa compilation ay ang mga beauty queens mula sa Pilipinas na sina Margie Moran na nagwagi noong 1973; Pia Wurtzbach, na nanalo noong 2015; at Catriona Gray, na nakasungkit sa korona noong 2018.

Mababatid na nasa apat na ang bilang ng Miss Universe winners ng Pilipinas, kabilang na si Gloria Diaz na nanalo noong 1969.

Samantala, nasa 11-year streak na ang Pilipinas kung saan ay nakakakuha ang mga kandidata ng Pilipinas ng pwesto sa semifinals ng pageant, simula sa panahon ni Venus Raj noong 2010.

Nitong 2020 naman ay nagtapos si Rabiya Mateo sa top 21.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *