Mister na nagtago matapos na saksakin-patay ang misis, nahuli na sa bayan ng Bulan

Nadakma sa bayan ng Bulan ang mister na tumakas matapos na saksakin hanggang sa mapatay ang kanyang misis sa bayan ng Magallanes, Sorsogon.

Sa pahayag sa Brigada News ng Magallanes MPS, madaling araw kahapon, Marso 9, nang mahuli nila ang suspek.

Kinilala itong si Carlos Resurrection Burton, magsasaka, residente ng Sitio Magapo, Brgy Behia ng nasabing bayan habang ang biktima ay kinilalang si Edna de Vera Burton, 45-anyos.

Batay sa ulat ng Pulisya, nag-away umano ang mag-asawa, gabi noong Lunes, dulot ng paggastos ng misis ng pera na ipinambili nito ng pangangailangan ng kanilang anak.

Sa tinding galit ng suspek ay nakakuha ito ng patalim at agad na inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima.

Ayon sa Pulisya, hindi pa inilalabas ang resulta ng autopsy report sa biktima subalit ang bikitma umano ay nagtamo ng multiple stabbed wounds sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nito.

Narekober ng mga pulis na rumesponde sa pinangyarihan ng krimen ang duguang kutsilyo na ginamit ng suspek.

Ang suspek ay nasa kustudiya na ngayon ng Pulisya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *