Naghihinagpis ngayon si Aubrey Dumaran at kanyang mga anak matapos ang nangyaring aksidente ng pampasaherong bus sa National Highway ng Barangay Langogan, Puerto Princesa City kagabi.
Siya ang may-bahay ng foreman na mag-isang namatay habang nasa tabi ng driver seat.
Nakatakda sanang sorpresahin ng biktimang si Arvine Anting Fuentes ang kanyang asawa’t tatlong anak pag-uwi nito sa tahanan sa Barangay Sicsican, pero hindi na pala ito mangyayari.
Sa ngayon ay hindi na alam ni Mrs. Aubrey kung papaano mag-isang itataguyod ang tatlong anak kaya nananawagan ito ng tulong pinansyal.
Humihingi rin ito ng panalangin mula sa publiko para sa kanyang pamilya na dumadaan ngayon sa matinding pagsubok.