Pinaplano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na palawigin ang oras ng trabaho ng mga field personnel hanggang hatinggabi dahil sa inaasahang holiday traffic sa nalalapit na kapaskuhan.
Ito’y upang matiyak ang kaligtasan sa kakalsadahan at masigurong may mga nakaantabay na magmamando sa daloy ng trapiko lalo na sa panahon ng rush hour.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, sinisimulan na nilang aralin ang sasalubong na mabigat na trapiko ngayong nalalapit na Holiday season kung saan magsasagawa ang kanilang tanggapan ng mahigpit na pagsubaybay sa mga pangunahing lansangan.
Ilan sa tututukan ang EDSA, C5, Balintawak at Commonwealth Avenue habang nakikipagtulungan na rin ang MMDA sa mga local government unit para naman masolusyunan na ang matinding pagbaha sa tuwing malakas ang pag-ulan sa Metro Manila.