CAMARINES NORTE – Nakumpleto na ang modernization at automation ng pinakamalaking Dam sa Bicol Region, ang Alawihao Dam na matatagpuan sa Barangay Alawihao dito sa bayan ng Daet.
Ang Alawihao Dam ang pinaka major dam na nagsusuplay ng tubig sa mga lupang pansakahan sa probinsiya na nakakarating hanggang sa tail- end portion ng irrigation canal.
Ayon kay Engr. Jumel Argente, Supervising Engineer A ng National Irrigation Administration at Project- In- charge ng Alawihao Dam mayroon na rin itong alarm system na kapakipakinabang lalo na sa panahon ng kalamidad o kaya ay tumaas o bumaba man ang water level.
Mayroon din itong sariling mini weather station kaya hindi na magdedepende na lang sa Pagasa ang NIA sa pagbibigay ng babala.
Pinaka una rin itong nakumpleto sa Bicol Region bagaman mayroon ring kasabay na proyekto sa Camarines Sur.
Nakumpleto ang proyekto na nagkakahalaga ng P9 na milyong nitong Agosto at posibleng ngayong buwan din ay mapakinabangan na ito.
Hinihintay na lang umano ang findings ng gagawing inspeksyon ng Regional Office pero lusot na ito sa local inspection team.
Nagbigay rin umano ng katiyakan ang contractor na matibay ang proyekto at hindi basta- basta masisira ang mga ikinabit na warning device.
