Kinumpirma ng Department of Education (DEPED) Bicol na magkakaroon na muli ng Palarong Bicol ngunit ito ay tatawagin nang Modified Palarong Bicol dahil nagkaroon na ito ng pagkakaiba sa kinasanayang palaro.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay DEPED Bicol spokesperson Mayflor Jumamil, sinabi niyang naglabas na ang ahensya ng regional memorandum 15 series of 2023 na pirmado ni regional director Gilbert Sadsad at nakasaad ditto kung paano gagawin ang regional meet.
Aniya, sa ilalim nito ay magkakaroon din ng mga clusters katulad ng gagawin sa palarong pambansa.
Sa Bicol umano ay mayroong 13 divisions kung kaya’t apat na cluster ang bubuuin dito: kung saan ang cluster A ay kinabibilangan ng Camarines Sur, Camarines Norte at Naga; sa cluster B naman ay ang Iriga City, Albay at Ligao City; sa cluster C naman ang Legazpi City, Tabaco City at Catanduanes; habang ang cluster D naman ay binubuo ng Sorsogon, Sorsogon City, Masbate at Masbate City.
Ayon kay Jumamil, ang regional meet ay naka-schedule sa Abril 24-28 at ang modified palarong pambansa naman ay gaganapin sa Marso 11,12 at 18.
Hindi umano tuloy-tuloy o magkakasunod ang mga schedule ng palaro dahil iniiwasan pa rin ang pagdagsa ng maraming mga tao.