MR OPV SIA arangkada na sa Camarines Norte simula bukas, PHO hinikayat ang publiko na makiisa sa aktibidad

CAMARINES NORTE- Aarangkada na sa lalawigan ng Camarines Norte simula bukas, May 2, ang Measles Rubella Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR OPV SIA) 2023.

Sisimulan ito sa Provincial Capitol Ground na pangungunahan mismo ni Governor Ricarte “Dong” Padilla.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco magkakaroon ng motorcade mula sa kapitolyo na iikot sa ilang bayan upang ipaalam sa lahat na simula na ng malawakang bakunahan kontra Tigdas, Tigdas- hangin at Polio.

Ang mga bibigyan ng bakuna kontra tigdas at rubella ay ang mga batang edad 9 hanggang 59 buwang gulang habang ang bibigyan naman ng Oral Polio vaccine ay edad 0- 59 buwang gulang.

Ang Polio, Rubella at Tigdas ay mga sakit na lubhang nakakahawa at nakakamatay para sa mga bata.

Walang gamot laban dito at tanging bakuna lang ang paraan para masiguro na ligtas ang bawat bata kontra sa mga nabanggit na sakit.

Ito rin ang paraan para maiwasan ang outbreak dahil ayon mismo sa Department of Health, ngayong 2023 ay nasa panganib ang Pilipinas na magkaroon muli ng polio at measles outbreak at tumataas din ang kaso ng rubella o tigdas hangin.

Gagawin ang OPV SIA sa buong buwan ng Mayo ngayong taon.

Ayon kay Francisco sumulat siya sa sa kapitolyo para ang mga empleado nito na mayroong anak, apo at kamag anak ay dalhin sa launching ng MR OPV SIA activity na siyang unang babakunahan.

Sa datos ng DOH maraming bata ang hindi nakakumpleto ng bakuna laban sa polio, rubella at tigdas noong 2019.

Kaya naman sa taon ding ito ay nagdeklara ang Pilipinas ng polio outbreak.

Nang dahil sa COVID- 19 noong 2020 ay naantala ang routine ng pagbabakuna kung kaya ito ang dahilan kung bakit tatlo sa bawat apat na kabataan ang hindi nakatanggap ng bakuna laban sa tigdas sa taong 2021.

Nagkaroon ng 160 % na pagtaas ng kaso ng rubella at measles noong 2022.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *