Ms. Myanmar, welcome sa bahay ni Pokwang

Hindi biro ang pinagdaanan ni Miss Universe Myanmar 2020 Thuzar Wint Lwin para sa pakikipagsapalaran nito sa ika-69 na Miss Universe Pageant.

Ngayong tapos na ang kompetisyon, ay tila hindi pa handa bumalik sa kanilang bansa ang nasabing beauty queen dahil na rin sa arrest warrant na inihain laban sa kanya ng military junta na pumalit sa gobyerno ng Myanmar .

Kabilang ang mga Pilipino sa mga tumulong kay Thuzar na mairaos ang kompetisyon kung saan ay nakaranas ito ng iba’t-ibang hamon tulad na lamang ng pagkawala ng kanyang mga susuotin para sa pageant.

Patuloy naman na ipinararamdam ng mga Pinoy ang kanilang pagmamahal para kay Miss Myanmar tulad ng komedyante na si Pokwang na nagsabi na bukas ang kanyang tahanan para kay Thuzar..

Mababasa sa social media post ni Pokwang na pakakainin niya si Thuzar ng “roasted chicken” at ng “laing ni mamang.”

Mababatid na nilusutan ni Thuzar ang border patrol sa pamamagitan ng pagsusuot ng hoodie at itim na sunglasses para itago ang kanyang pagkakakilanlan.

Habang papunta ng US, ay ipinadala niya ang kanyang costume at evening gown sa pamamagitan ng isang courier service.

Gayunman, hindi na niya natanggap ang lahat ng kanyang pinadala.

Agad naman nakatanggap si Thuzar ng tulong mula sa Sino-Tibetan community sa Estados Unidos sa pamamagitan ng kanilang pag-recreate sa kanyang nawalang costume na tinawag bilang “Fearless Empress” na dahilan naman kung bakit natanggap ni Miss Myanmar ang Best National Costume Award.

Kung maalala ay nagdala si Thuzar ng placard sa costume competition kung saan ay mababasa ang mensahe na “Please Pray for Myanmar.”

Bukod diyan ay tinulungan rin ng LA-based Filipino fashion designer na si Kirsten Regalado ang kandidata ng Myanmar para sa mga bagay na kinailangan nito sa prelims at final show.

Matatandaan na naging emosyonal si Thuzar, na naging bahagi ng Top 21 ng semifinalist, dahil sa buhos ng suporta na natanggap niya mula sa mga Pilipino, pageant fans man o hindi.

Sa kabila naman ng standing warrant ng beauty queen ay naninindigan pa rin siya sa kanyang aktibismo.

Napaulat naman na hindi pa sigurado si Thuzar kung ano ang susunod niyang gagawin pagkatapos ng kanyang pakikipagsapalaran sa Miss Universe. (RAMAK KOWSARI)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *