Muslim Community sa Camarines Norte handa na rin sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr bukas

CAMARINES NORTE- Handa na rin ang Muslim Community sa lalawigan ng Camarines Norte para sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr o ang katapusan ng buwan ng Ramadan na gagawin bukas, April 22.

Nauna nang idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na holiday ngayong araw April 21 bilang paggunita sa naturang araw.

Pero ayon sa isang nakatatandang miyembro ng Muslim Community dito sa bayan ng Daet,  hindi pa nakita ang buwan sa isinagawang moonsighting.

Nagdedepende umano sila sa deklarasyon ng mga nakatataas sa kanila hinggil sa naturang pagdiriwang.

Inoobserba ang Eid’l Fitr sa unang tatlong araw ng Shawwal o ang ika-10 buwan sa Islamic calendar kung saan nakabatay ito sa mismong pagpapalit ng buwan kaya nagbabago-bago ang petsa ng pagdiriwang taon-taon.

Itinuturing na sagrado ang buwan ng Ramadan na ginugunita ng mga muslim sa pamamagitan ng fasting at pananalangin.

Hindi sila kumakain at umiinom mula pagsikat hanggang paglubog ng araw.

Sa pagdiriwang na ito ay nagkakatipon, ang mga magkakamag-anak  at magkakaibigan para sa masayang piging at handaan.

Noong nakaraang taon sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr ay nagkaroon ng gift giving sa mga muslim sa Barangay Borabod dito sa Daet pagkatapos ng Eid prayer.

Tinatayang mayroong hindi bababa sa 500 miyembro ang komunidad dito sa bayan ng Daet at mayroon din sa iba pang mga bayan kasama ang mga bata.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *