Naaagnas na bangkay ng lalaki, natagpuan sa ilog sa Gamu, Isabela

Nangangamoy at nasa state of decomposition na ang bangkay ng isang lalaki nang matagpuan sa Cagayan river na sakop ng Brgy. Upi, Gamu, Isabela.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMsgt. Ariel Palma ng Gamu Police Station, una rito ay nakatanggap ng report ang kanilang himpilan kaugnay sa palutang-lutang na katawan ng isang lalaki sa nasabing ilog.

Ayon kay PMsgt. Palma, bloated na ang naturang bangkay at naaagnas na ang balat na hinihinalang limang araw na siyang nakababad sa tubig.

Wala umanong nakakakilala sa biktima na mga taga-roon kaya pinaniniwalaang galing ito sa karatig bayan.

Walang suot na pang-itaas ang biktima, naka-short pants na kulay khaki, tinatayang nasa 5”2 ang height, naka-undercut ang buhok, may hikaw sa kanang tenga na kulay bronze at kwintas na bronze.

Ayon kay PMSgt. Palma, base sa kanilang pagsusuri sa bangkay, wala naman umanong nakitang sugat mula sa saksak o tama ng bala ng baril kaya malaki ang kanilang paniniwala na nalunod ito.

Dahil sa kalagayan ng bangkay ay hindi na rin ito inembalsamo ito at agad na inilibing sa sementeryo ng Gamu,Isabela.

Photo/Jhoanne Domingo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *