Nagnakaw umano ng mga laptop sa isang paaralan sa Lipa City, Batangas, naaresto

Tuluyang naaresto ng mga awtoridad ang itinuturong suspek sa pagnanakaw ng laptop sa principal’s office ng San Adriano Elementary School sa Lipa City, Batangas.

Kinilala ang suspek na si Jonel Bacolando, 23 anyos, tubong Lucena City at residente ngayon ng Brgy. Sabang, Lipa City.

Ayon sa Lipa City Police Station, naaresto ang suspek matapos na dalhin nito ang tatlong ninakaw na laptop sa isang computer repair shop sa public market ng lungsod para ipa-reformat noong Oktubre 4.

Ngunit napansin ng may-ari ng shop na si Alexander Lumna na posibleng nakaw ang naturang mga laptop kaya nakipag-ugnayan ito sa Lipa CPS.

Dito na nakumpirma ng mga imbestigador na ang naturang mga laptops ay bahagi ng mga ninakaw ng suspek kasama ang isang aircon sa naturang paaralan kamakailan.

Bumalik umano ang suspek noong nakaraang Biyernes para kunin ang mga laptop at nang malamang itinurn-over ni Lumna ang mga ito sa kapulisan ay nagalit ang suspek at tinanggkang saksakin ang naturang biktima.

Agad itong inireport ni Lumna sa mga kapulisan at tuluyang naabutan ang suspek ng mga rumesponding pulis.

Matapos makapkapan ay narekober mula sa suspek ang isang kutsilyo at mga tuyong dahoon ng marijuana na tinatayang nasa humigit kumulang 500 gramo ang timbang at nagkakahalaga ng P60,000.00.

Nasa kustodiya na ng Lipa CPS ang suspek na mahaharap sa patong-patong na kaso kabilang na ang RA 9165 o ang Possession of Illegal Drugs, Attempted Homicide at Robbery.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *