Nakatakas na dating pulis sa Sorsogon City, isa sa apat na pulis na akusado sa pagpatay sa isang abogado sa Rodriguez, Rizal

SORSOGON CITY – ‘Prize catch’ sana na maituturing ang pagkahuli sa isang dating pulis na akusado sa pagpatay sa isang abogado at sa isa pang biktima sa lalawigan ng Rizal, subalit nakatakas ito sa kamay ng mga pulis na mismong humuli sa kanya, gabi noong Mayo 14 sa Brgy Macabog sa lungsod ng Sorogon.

Si Patrolman Benito Sarcilla Julian Jr., 36-anyos, may asawa, miyembro ng Rodriguez, Rizal PNP ay isa sa apat na akusado sa pagpatay sa abogado na si Edilberto Golla Jr., residente ng Brgy San Isidro, Rodriguez, Rizal at sa kanilang ‘striker’ na si Conrado Esteban.

Ang biktimang si Atty Edilberto Golla Jr.

Kabilang sa mga akusado ay mismong hepe ng Rodriguez Police na si PLtc Melchor Dimas Agusin, PSMS Michael Betangcol Eralino at PSSgt Alberto Dela Cruz Umali.

Si Eralino at Umali ay naaresto na samantalang sa muling pagkatakas ni Julian ay maituturing na ‘at large’ pa rin ito. Nagresulta din ito sa agarang pagka-relieved ng hepe ng Sorsogon City Police Station na si Pltc Benito Dipad.

Ang kaso ni Julian at mga kasama nito ay nag-ugat noong Mayo 17, 2019 nang pagbabarilin-patay ng riding-in-tandem ang 45-anyos na si Atty Golla malapit sa kanyang bahay.

Ang pagpatay kay Atty Golla ay ikinokonsiderang ‘high profile case’ dahil itinuturing itong isang ‘EJK’ o extra judicial killing kung saan karamihan sa imbuwelto ay mga pulis.

Samantala, sa impormasyon na ekslusibong nakalap ng Brigada News, si Julian umano ay nagkaroon ng kinakasama  at nanirahan ito ng halos 6 na buwan sa Brgy Gabao, Irosin, Sorsogon.

Nadakma ito ng mga operatiba ng Sorsogon City Police dakong ala 1:40 noong Biyernes sa Brgy Sirangan ng nasabing lungsod.

Si Julian ay itinuturing na isa sanang ‘Gintong Tropeo’ na ipipresenta ng Sorsogon Police Provincial Office sa napipintong pagbisita sa Bicol region ng bagong Chief, PNP na si PGen Guillermo Eleazar – subalit ang ‘tropeyong ginto ay naging tropeyong tanso.’

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *