Hinatak sa damit, sinabunutan, at sinampal.
Ganito raw ang sinapit ng grade 5 student na si Francis Jay Gumikib sa Antipolo City sa kamay ng kaniyang guro bago ito mamatay.

Kuwento ng kaniyang ina na si Elena Minggoy, nagsumbong daw sa kaniya ang anak nito dahil idinaraing ang sakit sa tenga’t pagkabingi dahil sa sampal ng kaniyang guro.
Pagsasalaysay ni Minggoy, ang anak pa raw niya ang nagsumbong sa mga classmates niya na maingay ang mga ito at sabi naman ng teacher ay ‘gusto mo, makisali ka rin?’.
Mula rito ay umupo na siya, pero binalikan pa rin daw siya ng kaniyang guro para saktan.
Sa ngayon, pino-problema pa raw ng kanilang pamilya kung saan sila kukuha ng gastusin, kabilang na ang bayarin sa pagpapa-autopsy ng kaniyang anak.
Itinanggi naman ng sangkot na teacher na sinampal niya ang grade 5 student sa Antipolo City na dahilan ng pagkamatay nito.
Ayon kay EM/Sgt. Divina Rafael, ang hepe ng Women’s and Children’s Desk ng Antipolo City Police, sa salaysay ng sangkot na guro ay nanindigan itong hindi raw malakas ang kaniyang ginawang pananakit sa biktima.
Sabi raw ng guro, bagamat aminado siyang ‘dumapo’ ang kamay niya sa mukha ng biktima, ay hindi naman daw ito malakas.
Di-nemo pa nga raw ng teacher kung papaaano ‘dumapo’ ang kaniyang kamay sa bata.
Sa ngayon, tinitingnan pa rin daw nila ang lahat ng anggulo sa insidente, at hihintayin pa ang pinal na report ng mga medical experts para matukoy ang totoong sanhi ng pagkamatay ng bata.
Bago ito, una nang idinepensa ni Minggoy na wala raw existing na karamdaman ang kaniyang anak.
Sa katunayan, ito raw ang unang pagkakataon na na-ospital si Francis.
DepEd probe
Magsasagawa na ng fact finding investigation ang Department of Education (DepEd) sa insidente ng pagkamatay ni Gumikib sa Peñafrancia Elementary School.
Ayon kay Attorney III Kelvin Matib, Child protection specialist DepEd Division of Antipolo City, nagtungo sila sa nabanggit na eskwelahan kaninang umaga upang i-verify ang report at mangalap ng mga dokumento na isusumite naman sa kanilang regional office bilang protocol sa child protection cases.
No comment naman si Matib kung nakausap ang gurong sangkot umano sa pananakit na si Marisol Sison at kung patuloy pa rin siyang nakapagtuturo sa eskwelahan.
Mayroon daw kasing confidentiality ang mga ganitong kaso.
Sa kabila nito, tiniyak ng DepEd na alinsunod sa kanilang Child Protection Policy, ang interest ng kanilang mga learners ang primary consideration ng ahensiya.
Kaso vs. teacher
Maaari raw maharap sa kasong homicide in relation to RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang gurong nanakit ng estudyante.
Ayon kay Rafael, inaantay na lamang nila ang resulta ng autopsy na isinagawa ng PNP Crime Laboratory.