Nas Daily, inalis ang ‘Whang-od Academy’ mula sa website nito matapos ang natanggap nito na pambabatikos

Inalis na mula sa digital learning platform ng Nas Daily ang isang online course, na dapat ay ituturo umano ng tanyag na Pinoy traditional tattoo artist na si Apo Whang-Od Oggay o mas kilala sa pangalang “Whang-od”.

Ito ay matapos tawagin ng kamag-anak ng 104-years old artist ang nasabing online course bilang “scam”.

Sinabi ni Gracia Palicas, na isa rin tattoo artist, na hindi talaga pumayag ang kaniyang lola na magturo sa isang online class.

Ipinunto niya na hindi naman ito pumirma sa kahit anong kontrata na kasama ang Nas Daily na may kinalaman sa academy.

Dagdag niya sa kaniyang social media post, “PLEASE HELP US STOP this disrespect to the legacy of Apo Whang Od and the Butbot Tribe.”

Mababatid na nasa P750 ang singil ng Nas Daily para sa nasabing online course, na unavailable na ngayon, kung saan ay kabilang sa mga leksyon na isinusulong nito ay ang traditional Kalinga tattoo making, at ang ibig sabihin ng mga simbolo ng tattoo nito.

Inakusahan rin ng maraming netizens ang Nas Daily ng pag-exploit sa kulturang Pilipino.

Bukod kay Apo Whang-Od ay kabilang rin sa mga kinuhang professionals ng Nas Daily para magturo sa academy nito ay sina Miss Universe 2018 Catriona Gray para sa “How To Be A Queen” course, designer na si Michael Cinco na magtuturo ng fashion, at reporter na si Jessica Soho na ang sakop naman ay broadcast journalism.

Sa ngayon ay wala pang sagot si Nas Daily, o Nuseir Yassin sa totoong buhay, sa mga nasabing alegasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *