National Police Clearance System ng PRO5, ipinatutupad na sa mahigit 20 himpilan ng kapulisan sa Bicol

LEGAZPI CITY – Ipinatutupad na sa mahigit dalawampung mga himpilan ng kapulisan sa rehiyong Bicol ang National Police Clearance System (NPCS) ng Police Regional Office 5 bilang kapalit sa dating pagkuha ng Police Clearance na panlokal lamang.

Batay sa datos, nasa dalawampu’t apat na mga himpilan sa bawat bayan o lunsod sa rehiyon ang may NCPS na, kung saan apat sa mga ito ang sa lalawigan ng Albay na kinabibilangan ng Daraga, Legazpi City, Ligao City, Libon at Tabaco; tatlo naman sa Camarines Norte na kinabibilangan ng Labo, Daet at Paracale; apat naman sa Masbate kabilang ang Cawayan, Aroroy, Masbate City, at Placer; lima sa Sorsogon na kinabibilangan ng Bulan, Sorsogon City, Gubat at Pilar; habang dalawa naman sa Naga City kung saan ito ay ang Naga Police Station 1 & 2.

Sa pamamagitan ng NCPS, pinagsama-sama na ang lahat ng records ng PNP sa lahat ng bayan at lunsod sa bansa sa isang database o ang tinatawag na “centralized system” upang mas mapadali ang pagsusuri ng criminal record.

Sa ngayon, ang mga lugar na hindi pa kasama rito ay pinagbabawalan nang magbigay ng police clearance at inatasan na lamang na gumabay sa mga gustong kumuha ng national police clearance.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *