NBA superstar na si Damian Lillard, nag-donate ng pera para sa pagpapaayos sa PGH

Namahagi ang Trail Blazers ace na si Damian Lillard, ng donasyon sa Philippine General Hospital matapos matupok ng apoy ang ilang pasilidad nito noong Mayo.

Kasalukuyang naglalaro si Lillard sa NBA playoffs kung saan ay tabla ang standings ng Trail Blazers at Denver Nuggets sa 2-2, sa kanilang Western Conference first-round series.

Ayon kay Ang Probinsyano party-list Representative Ronnie Ong, nagpadala si Damian ng mensahe sa kaibigan nito na si Yassi Pressman dahil sa kagustuhan ng basketbolista na makatulong.

Sinabi ng mambabatas na plano talaga nila ni Yassi na tulungan ang PGH, na dahilan kung bakit isinabay na nila ang donasyon ni Lillard.

Sa Instagram ay sinabi ng aktres na “heartbreaking” ang sinapit ng PGH, lalo na at may mga bagong silang na sanggol ang apektado.

Nai-turn over nina Pressman at Ong ang kanilang mga donasyon sa PGH nitong weekend.

Tinatayang aabot sa mahigit P1-million ang halaga ng pinagsama-samang donasyon nina Lillard, Yassi, ang kapatid nito na si Issa Pressman, at Ong.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *