NDRRMC – 3 katao patay, 5 sugatan sa habagat

Kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na tatlong tao ang nasawi, habang lima naman ang sugatan kaugnay sa malakas na ulan at malakas na hangin dulot ng southwest monsoon or habagat.

Ayon sa NDRRMC, ang 39-anyos na babae mula sa Baguio city ay nasawi matapos mabagsakan ng puno ang sasakyan kung saan siya lulan, habang sugatan ang dalawang iba pa na kasama nito sa loob.

Kaugnay nito, isang 35-anyos naman na magsasaka at 15-taong gulang na estudyante ang nasawi sa Barangay Tartarabang sa Pinili, Ilocos Norte, matapos matamaan ng kidlat, habang dalawang iba pang magsasaka at 17-taong gulang ang sugatan.

Samantala, inihayag rin ng ahensya na nasa 87,493 na indibidwal o 19,521 pamilya sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, and Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, and Palawan), Western Visayas, Cordillera Administrative Region, at Metro Manila ang apektado dahil sa epekto ng habagat. // MHEL PACIA-TRINIDAD

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *