“No bakuna, no ayuda” sa 4Ps beneficiaries hindi polisiya ngayon ng DSWD

CAMARINES NORTE- Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi polisiya sa ngayon ang “no bakuna, no ayuda” sa mga di bakunadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ito’y matapos ihayag kamakailan ni Department of the Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing III na plano ng gobyerno na ipatupad ang ganitong polisiya

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay DSWD Provincial Action Team Leader at Pantawid OIC- Provincial Link Claudio Villareal Jr., inihayag nito na wala pang polisiya na huwag bigyan ng ayuda ang mga benepisyaryo ng 4P’s na hindi bakunado.

Ang ginagawa umano ngayon ng DSWD ay hikayatin ang mga ito na magpabakuna para na rin sa kanilang kaligtasan.

Paliwanag ni Villareal na hindi namimilit ang DSWD at lalong hindi ginigipit ang mga benepisyaryo kapalit ng ayuda.

Ang importante umano ngayon ay maintindihan ng mga benepisyaryo ang kahalagahan ng pagbabakuna sa pamamagitan ng kanilang pagpapaliwanag.

“Wala naman po talagang polisiya na sinasabi na kapag hindi ka bakunado ay hindi ka mabibigyan o hindi kana magiging 4P’s beneficiary o makaka pay out,” ani Villareal.

“Walang halong pagpipilit o pangigipit sa ating mga beneficiary lalo na, so ang importante talaga isa mapaliwanag sa kanila, sapagkat ito ang problema kung minsan  yung kakulangan sa kaalaman sa kung ano ba ang kahagalahan at advantage ng bakuna.

Simula pa umano noong Hunyo ay naglunsad na ang DSWD ng malawakang kampanya para sa pagpapalaganap ng impormasyon at kahalagahan ng bakuna kontra COVID- 19.

Batay sa datos ng ahensiya hanggang noong September 2021, nasa 3.04 % pa lamang o mahigit kumulang sa 970 na beneficiaries ang fully vaccinated at hindi pa kasama dito ang pagtatala sa mga miyembro mismo ng sambahayan.

Mayroong mahigit 33, 000 na benepisyaryo ng 4P’s sa lalawigan.

Nitong linggo lang ay pumirma sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang DSWD at Department of Health (DOH) para mas mapaigting ang pagbabakuna at isa na dito ang National Vaccination Day na magaganap simula November 29 hanggang December 30.

Sa ngayon ay nakikipag ugnayan na umano sa mga Municipal Health Office ang Municipal Links ng Pantawid para mabakunahan ang mga benepisyaro ng 4P’s.

At bilang paghahanda ay nagtutungo ang mga Municipal Link sa barangay para hikayatin at itala ang 4Ps beneficiaries na dapat mabakunahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *