NPA na sisilbihan ng warrant of arrest nanlaban, sugatan

SORSOGON CITY – Sugatan ang isang kasapi ng New People’s Army (NPA) at isang most wanted person matapos manlaban habang sisilbihan sana ng warrant of arrest sa Sitio Camagong, Brgy San Ramon sa bayan ng Donsol, Sorsogon.

Sa pahayag sa Brigada News FM-Sorsogon ng hepe ng Donsol Police na si PMaj Arwin Destacamento, nakalabas na umano sa ospital ang akusado na si Jesus Llegue Macasinas, 63-anyos, magsasaka; ito ay matapos na malapatan ng atensyon medikal ang sugat nito sa pigi.

Kinumpirma din ng opisyal na si Macasinas ay aktibong miyembro ng Larangan 1, Komite Probinsyal 3 ng Bicol Reg’l Party Committee at nagsisilbing ‘poste’ at kolektor ng revolutionary tax sa nasabing lugar. Itinuturing din itong No. 8 Regional Most Wanted Person.

Batay sa ulat, papalapit pa lang umano ang mga operatiba na sisilbi ng warrant of arrest nang atakihin ang mga ito ni Macasinas gamit ang itak at pinapaputukan pa sila ng baril.

Gumanti ang mga awtoridad hanggang sa matamaan ng bala sa bandang puwitan ang akusado.

Narekober dito ang isang 24 pulgadang itak, isang kalinre 38 na revolver na kargado ng apat na bala at isang Granada.

Si Macasinas ay nahaharap sa kasong murder na walang kaukulang piyansa. Kahaharapin pa nito ang magkapatong na kasong iligal na pag-aari ng baril at bala at pampasabog.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *