Occupancy rate ng covid ward ng EBMC sa Catanduanes, nasa critical level na

BNFM BICOL—Inanunsiyo ng pamunuan ng Eastern Bicol Medical Center sa lalawigan ng Catanduanes na umabot na sa critical level ang occupancy rate ng kanilang COVID-19 isolation ward.

Batay sa advisory na inilabas ng ospital, umabot na sa 88% ang occupancy rate ng kanilang COVID isolation ward kung saan nangangahulugang 22 mula sakanilang 25 beds na inilaan para sa mga COVID patients ang okupado na.

Bukod dito, wala na ring available na mga ventilators dahil ang lahat ng mga ito ay ginagamit na ng mga pasyenteng  nasa kritikal na kondisyon matapos tamaan ng COVID-19.

Nasa 107% na rin umano ang occupancy rate ng buong EBMC dahil sa mahigit 100 ‘in patients’ na naka confine ngayon sa pagamutan.

Kaugnay nito, inihayag  ni EBMC Chief Dr. Vietrez Abella, na lilimitahan nila ang pagpapasok ng mga pasyente at tanging ang mga nasa “Level 2 appropriate cases’ o ang mga pasyenteng properly coordinated mula sa mga referral hospitals lamang ang papahintulutang i-admit sa naturang pagamutan.

Kasama sa mga bibigyan ng prayoridad ang mga indibidwal na may OB complicated cases; mga na heart attack, may complicated hypertension, moderate to high risk pneumonia, stroke; mga kumplikadong pediatric cases at iba pang surgical cases.

Sa huli, nanawagan si Abella sa publiko ng pag-unawa at kooperasyon sa gitna ng nagpapatuloy na laban ng mga health workers kontra COVID-19 sa isla, dahil bukod sa kawalan ng espasyo ng ospital para sa mga nagkakasakit, napipilayan din ang kanilang manpower bunsod ng mga health workers na tinatamaan at nahahawa ng COVID-19.

Sa kasalukuyang datus ng DOH-Bicol, pumalo na sa kabuuang 1,780 ang kumpirmadong kaso ng sakit sa lalawigan kung saan 377 sa mga ito ang nananatiling aktibong kaso.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *