OCTA Research, naniniwala na masyado pang maaga para bumalik sa MGCQ

Naniniwala ang OCTA Research Group na masyado pang maaga para ipatupad ang modified general community quarantine (MGCQ) na pinakamaluwag na uri ng restriksyon laban sa COVID-19.

Iginiit ni OCTA Research Fellow Guido David na premature pang maituturing ang paglipat sa MGCQ dahil hindi pa sapat ang bilang ng mga tao na nababakunahan.

Ipinunto ni David na posibleng makamit ng National Capital Region (NCR) ang 50% population protection level sa Nobyembre, at 75% sa Disyembre sakaling magawa ng vaccination program na maisama ang 10-million population ng NCR.

Masasabi lamang na meron nang population protection ang isang lugar kung nasa 1 per 100,000 na lamang ang bilang ng mga bagong kaso araw-araw, o kung magiging mas mababa sa 140 ang bilang ng mga daily cases ng NCR.

Kasalukuyang nasa ilalim ngayon ng general community quarantine “with heightened restrictions” ang mga lugar sa ilalim ng NCR Plus bubble kabilang na ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Bulacan, at Rizal hanggang June 30.

Matatandaan na huling naiulat ng Pilipinas ang 6,096 na bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 na dahilan para umangat ang kabuoang bilang nito sa mahigit 1.39-million kabilang na ang 52,570 na aktibong kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *