OCTA sa Gov’t: ‘Maghanda para sa pagpapaluwag ng restrictions’

Hinimok ng isang eksperto mula sa OCTA Research group ang gobyerno na maghanda na para sa unti-unting pagpapaluwag ng public health protocols ngayong dumarami na ang mga indibidwal na nabakunahan na laban sa COVID-19.

Binigyang diin ni Fr. Nicanor Austriaco O.P, na professor of biology din sa Providence College sa Estados Unidos na sa Amerika, pinaluwag na ang requirements sa pagsusuot ng face masks kahit di pa nakakamit ang herd immunity.

Ayon kay Austriaco, dapat maghanda na ang pamahalaan na unti-unting luwagan ang minimum health standards ngayong dumarami na ang nababakunahan sa bansa para mabigyan ng pag-asa ang mga Pilipino at bigyan ng insentibo ang mga nagdadalawang isip pang magpabakuna. 

Bukod dito, sinabi ng eksperto na ito’y para rin magkaroon ng sense of comparison sa bilang ng COVID-19 cases ngayon at sa dami ng kaso sa parehong buwan ng nakaraang taon. 

Dagdag ni Austriaco na nais ng OCTA Research na mapanatili ang pagbaba ng COVID-19 cases para maging optimal hangga’t maaari ang contact tracing, isolation, at quarantine procedures.

Mababatid. na sa ngayon, mahigit apat na milyong COVID-19 vaccine shots na ang naituturok ng gobyerno at nasa 986,929 individuals na ang nakatanggap ng ikalawang dose ng vaccine. 

Una nang inirekumenda ng grupo ang pag-extend ng general community quarantine (GCQ) sa NCR Plus o Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan,para patuloy na bumaba ang COVID-19 cases.

Leave a Reply

Your email address will not be published.