Plano ni House Speaker Martin Romualdez na imbitahan sa Kamara ang mga opisyal ng oil companies sa harap ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Romualdez, susubukan nilang pakiusapan ang oil companies na huwag munang magpatupad ng taas-presyo dahil ang mga ibinebentang langis ngayon sa bansa ay hindi pa umano ang nabili sa mataas na presyo.

Pakikinggan din ng Mababang Kapulungan ang panig ng oil companies kung paano sila makakatulong sa gobyerno na maibsan ang bigat ng pinapasan ng consumers.
Hindi aniya manhid ang gobyerno sa hinaing ng taumbayan lalo’t hindi malayong magkaroon ng domino effect ang oil price increases sa lahat ng produkto sa merkado.
Iginiit pa ng House leader na magtataasan ang presyo ng mga bilihin at hindi kasama ang suweldo ng mga manggagawa.
Paliwanag ni Romualdez, malaki ang epekto ng presyuhan sa world market sa pagsipa ng presyo sa Pilipinas habang tali ang kamay ng pamahalaan dahil sa Oil Deregulation Law.
Dahil dito, sisilipin ng Kongreso ang mga nakabinbing panukala na naglalayong amiyendahan ang Oil Deregulation Law upang malaman ang mga hakbang na maaaring gawin upang mapababa ang presyo ng langis.