Ombudsman Martires, nanindigang hindi ilalabas ang SALN ni Pangulong Duterte

Nanindigan si Ombudsman Samuel Martires na hindi nito ilalabas ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ni Pangulong Rodrigo Duterte, bilang pagsunod sa Memorandum Circular No. 1 na siyang naglilimita sa publiko na makakuha ng kopya ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno.

Ito ay bilang tugon sa naunang pahayag ng Palasyo na Ombudsman na ang bahala kung ilalabas nito ang SALN ng Pangulo.

Ayon kay Martires, may kondisyon sa nasabing circular na kailangang sundin upang mapayagan nilang ilabas ang SALN ng isang opisyal ng gobyerno.

Hindi rin umano siya papalag kung sakaling siya ay tanggalin sa kaniyang puwesto dahil sinusunod lamang niya ang nakalagay sa polisiya na sinimulang ipatupad noong Setyembre ng nakaraang taon.

Kinuwestyon rin ng Ombudsman kung bakit interesado ang publiko sa SALN ng presidente at bise presidente.

Sinagot naman ito ni Bayan Muna party-list Representative Carlos Isagani Zarate at sinabing ang paglabas sa SALN ng mga opisyal ng gobyerno ay para sa transparency at accountability ng mga ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *