Operasyong anti-illegal gambling ng san mariano ps, humantong sa putukan ng baril; 9 na katao, arestado

Humantong sa putukan ng baril sa pagitan ng San Mariano Police Station at ilang suspek sa isinagawang anti-illegal gambling ng istasyon sa Sittio Disigit Brgy. Gangalan San Mariano Isabela kahapon, June 20,2021.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Dominador Paguirigan, Edito Fernandez, Leomar Soriano, Marcial Antonio, Mario Bala, Randy Bulan, Vicente Cristobal, at Reymark Agustin na pawang residente ng San Mariano, Isabela.

Arestado rin si Randy Talosig, 33 anyos, isang magsasaka at nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang balikat nito.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PCAPT Julius Telan, ang Deputy Chief of Police ng PNP San Mariano, una rito ay nakatanggap umano ng report ang kanilang istasyon mula sa isang concerned citizen na mayroong scheduled illegal cockfighting sa kabundukan ng naturang lugar.

Nakipagtulungan ang San Mariano PS sa opisyal ng brgy. Dangalan upang mapuntahan ang lugar at beripikahin ang report.

Aniya, batay sa kanilang obserbasyon ay dati nang may nagaganap na iligal na sabong sa liblib na lugar o gitna ng kabundukan kung saan malayo umano ito sa población area.

Nang nagpakilala umano ang kapulisan ay agad na nagtakbuhan ang mga suspek na tinatayang nasa humigit kumulang 30 na katao at dito na nagsimulang magpaputok ng baril ang suspek na ginantihan ng kapulisan.

Nakumpiska sa pinangyarihan ng insidente ang 8 panabong na manok, 17 na piraso ng cockfighting blade, bet money na nagkakahalaga ng 5,016 pesos at anim na unit ng motorsiklo.

Dagdag pa ni PCapt. Telan, sa ngayon ay nasa prosecutors office na sa City of Ilagan ang 9 na naarestong suspek at kasalukuyan sumasailalim sa inquest proceeding.

Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa PD 1602 o anti-illegal gambling.

Nagpapatuloy naman aniya ang imbestigasyon ng San Mariano PS upang matukoy pa ang ilang nakatakas na suspek upang matigil na ang illegal na sabong.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *