Ordinansang magkakaloob ng benepisyo at insentibo sa mga Barangay Health Worker ng Mercedes, pirmado na ng Alkalde aprub na rin sa SP

CAMARINES NORTE- Pirmado na ni Mayor Alexander Pajarillo at aprubado na rin sa ginawang rebyu ng Sangguniang Panlalawigan ang Barangay Health Workers Accreditation, Benefits and Incentives Ordinance ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Mercedes, Camarines Norte.

Sa ilalim ng ordinansa na iniakda ni Councilor Colen Ibasco, para makatanggap ng benepisyo at insentibo ay kailangang nakarehistro ang BHW sa Local Health Board.

Ang accredited BHW na aktibo at regular na ginagawa ang kanilang trabaho ay entitled sa monthly allowance, subsistence allowance at hazard allowance.

Mayroon din itong matatanggap na Year End Incentive ng hindi bababa sa P1, 000 mula sa munisipyo na dapat maibigay nang hindi lalagpas ng December 15 kada taon.

Ang matatanggap na insentibo ay depende sa length of service ng isang accredited BHW.

Kapag ang isang registered BHW ay nakapagserbisyo ng apat na buwan pero mas mababa sa limang buwan makakatanggap ito ng 50 % ng Year End Incentive.

Nasa 60 % naman ang matatanggap kapag ang length of service ay umabot ng limang buwan pero mas mababa sa anim na buwan.

Ang nakapagserbisyo na ng anim na buwan pero mababa sa pitong buwan ay tatanggap ng 70 %  habang 80 % naman kapag umabot na sa pitong buwan pero mababa sa walong buwan.

Kapag ang tagal ng serbisyo ay umabot na ng walong buwan pero hindi pa nakaka siyam na buwan ay 90 % ang matatanggap at 95 % naman kapag nakapagserbisyo na ang BHW ng siyam na buwan pero hindi pa naka sampung buwan.

Makakatanggap din ng one-time gratuity pay incentive sa taon ng kanilang pagreretiro ang accredited BHW na nakapag- render ng  5 years of aggregate service ng halagang P1,000.00 sa kada taon ng kanikang serbisyo at plaque o certificate of recognition bilang pagkilala sa mga taon ng kanilang pagseserbisyo.

Bukod sa mga nabanggit na benepisyo ay may karapatan ding tumanggap ang BHW ng Burial assistance, Medical and Dental Benefits, Training Education and Career Enrichment Programs, One Child scholarship, Free Legal assistance at Preferential  access loan facilities of government lending institutions.

Matatandaan na unang inihain ang nabanggit na ordinansa Oktubre ng nakaraang taon.

Isasama sa taunang budget ang pondong kakailanganin para sa implementasyon ng naturang ordinansa na magiging bahagi ng taunang gastusin ng LGU.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *