OWWA, nanindigan sa kanilang purchases na kinukuwestiyon ng COA

Nanindigan ang Overseas Workers Welfare Administration sa tinukoy ng mga state auditors bilang mga kwestiyunableng purchases sa isang dubious location, at iginiit na ipapaliwanag ng ahensya ang kanilang panig kaugnay sa naturang isyu sa lalong madaling panahon.

Ayon kay OWWA Administrator Hans Cacdac, binigyan nila ng panahon si Deputy Administrator Faustino Sabarez III para tumugon sa mga alegasyon, bilang ito ang isa sa mga nanguna sa ground operations ng ahensya noong enhanced community quarantine noong nakaraang taon.

Dagdag ni Cacdac, pinaninindigan ni Sabares ang pagbili ng naturang supplies, at ginawa umano nito ang lahat ng kanyang makakaya para makuha ang lahat ng supplies mula sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod.

Ibinahagi naman ng OWWA chief na nagpapatuloy na ang internal investigation kaugnay sa naturang usapin, at isusumite ang kanilang rekomendasyon sa susunod na linggo, kasunod ng direktiba ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Mababatid na batay sa 2020 report ng Commission on Audit, sinasabing bumili ang OWWA ng hygiene kits at sanitary napkins na nagkakahalaga ng P822,420 mula sa MRCJP Construction and Trading sa Pasay City, kung saan hindi rin umano mahanap ang address ang nakalagay, nang puntahan ito ng mga state auditors, habang ang mga biniling hygiene kits na hindi naka-itemized, ay may presyong P160, at ang sanitary napkins ay nasa P35 per pad. // MHEL PACIA-TRINIDAD

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *