P10M nagastos ng probinsya sa teleseryeng ‘I Left My Heart In Sorsogon,’ kalahati ng pondo ng Kasanggayahan Festival

SORSOGON CITY – Binuweltahan ng gobernador ng lalawigan ng Sorsogon na si Francis Joseph ‘Chiz’ Escudero ang mga kumukwestyon pa rin sa P10M nagastos ng Pamahalaang Panlalawigan sa ginawang ‘lock in taping’ ng teleserye na “I Left My Heart in Sorsogon” na pinagbibidahan ng mismong asawa ng gobernador na si Heart Evangelista Escudero.

Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ni Escudero na wala pang ipinapalabas na pondo ang LGU rito, ang nasabing P10M ay ‘show money’ pa lang at ito ay mula sa P20M pondo ng Kasanggayahan Festival.

Aniya, kung turismo at promosyon ang pag-uusapan pareho ang layunin ng dalawang programa, ang pinagkaiba lang aniya,  ang P20 Milyon  kada taon na ginagastos para sa festival ay tanging sa lalawigan lamang, kumpara sa P10M na ginamit sa foods at accommodations ng teleserye na makikilala  ang Sorsogon sa buong bansa dahil sa  titulo pa lang ng teleserye ay nakadikit ang pangalan ng Sorsogon.

Ayon pa sa gobernador, ito ang kanyang iginiit sa Memorandum of Agreement sa GMA7 na dapat ay nakalagay ang pangalan ng probinsya. Matagal na umano itong ginagawa ng ibang lalawigan kagaya ng pelikulang ‘Baler,’ ‘Siquijor’ at ibpa; ang kaibahan pa, ito ay teleserye, ipi-play ng 6 na buwan at kung mag-click sa manonood ay puwedeng ma-extend katulad ng teleseryeng ‘Ang Probinsyano’ na inabot ng ilang taon.

Panawagan ng gobernador sa publiko, hindi masama ang pagkuwestyon lalo na’t ito ay para sa lahat, nguni’t dapat munang aralin ang mga isyu.

Dagdag pa ng opisyal, handa umano nilang sagutin ang lahat ng isyung ibabato sa kanila, maging ng COA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *