P30M East Apayao-Abulug irrigation system, pinasinayanan

Pinasinayanan ng National Irrigation Administration Region 2 ang 30 milyon pesos na halaga ng east Apayao-Abulug irrigation system sa Sitio Guiramay Barangay Dagupan, Allacapan, Cagayan.

Pinangunahan ni NIA Senior Deputy Administrator Gen. Abraham Bagasin ang nasabing inagurasyon at pormal na pagbubukas ng 9.50 kilometer canal line at main canal extension sa ilalim ng irrigation project sa nasabing lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, mabebenipisyuhan nito ang mahigit 1,700 na mga magsasaka mula Cagayan at Apayao.

Ang nasabing Irrigation system ay kabilang sa lubhang nasirang imprastraktura sa naranasang malawakang pagbaha noong nakaraanh taon dulot ng Bagyong Ulysses.

Isa rin umano ito sa pinakamalawak na irrigation system na hawak ng NIA kung saan nabibigyan nito ng serbisyo ang bayan ng Abulug, Allacapan, Ballesteros, Aparri at Pamplona Cagayan maging ang bayan ng Flora at Sta Marcela, Apayao.

Pinuri naman ni Gen. Bagasin ang koordinasyon ng mga opisyal upang mapabilis ang rehabilitasyon ng nasabing Irrigation system na layong matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka sa patubig na galing sa irigasyon.

Nagpasalamat naman si Melanio Eugenio ang presidente ng Allacapan Centro East Dagupan Irrigators Association (ACWEDIA) sa suportang ibinibigay ng pamahalaan sa mga magsasaka upang mapataas ang produksyon ng bigas sa susunod na cropping season.

Leave a Reply

Your email address will not be published.