P33-M halaga na donasyon ng Pharmally sa gov’t., kinuwestyon ng mga senador

Kinuwestiyon ng ilang mga senador ang donasyon ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa ilang government institutions noong 2020 na nagkakahalaga ng P33 milyon.

Natukoy ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee sa iprinisintang financial statement ni Raymond Abrea na isang certified public accountant.

Wala naman umanong maalala si Pharmally director Linconn Ong na diskusyon tungkol sa mga donasyon, at hindi rin umano niya hawak ang accounting records ng kumpanya.

Samantala, ayon sa outsourced accountant ng Pharmally na si Illuminada Sebial, ang nasabing donasyon ay mga produkto o goods na may kabuuang halaga na P33 milyon.

Kabilang umano sa mga nakatanggap ng nasabing donasyon ay ang Research Institute FOR Tropical Medicine, Taguig City Hall, San Juan City Hall, Quezon City Hall, Quezon City Council, Provincial Government ng Cavite, Navotas City Hall, at VRP Medical Center.

Hiniling ng senador ang mga accounting documents mula sa Pharmally at kay Sebial, at nagpasya muna ang Senate panel na suspendihin muna ang pagdinig hanggat hinihintay pa ang mga dokumento.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *