Pag-revisit sa Envi Code ng So.Cot, ipinauubaya na ni Gov. Tamayo sa SP

KORONADAL CITY- IPINAUUBAYA na ni Governor Reynaldo Tamayo Jr sa mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ang pagdesisyon kaugnay sa isinusulong ng Sangguniang Bayan ng Tampakan at mga Indigenous Peoples Mandatory Representatives o IPMR ng Tampakan, Tupi at Polomolok na i-review at amyendahan ang Environment Code ng South Cotabato partikular ang open pit mining ban.

Ayon sa gobernador na hindi nito gustong pangunahan at impluwensiyahan ang desisyon ng mga miyembro ng SP dahilan kung kaya’t tumanggi na itong magbigay ng personal na opinion kaugnay sa naturang isyu.

Inihayag ni Tamayo na hihintayin muna nito ang resulta ng public hearing ng committee on environment at desisyon ng sanggunian saka magpapalabas ng sarili nitong pananaw kung tama ba o hindi ang desisyon ng mga board members.

Sa isinumiteng joint resolution ng mga municipal IPMR’s ng first district, at mga Barangay IPMR’s nito, hiniling ng grupo ang pag-amyenda sa Environment Code partikular ang Section 16 at Section 22(b).

Naniniwala kasi ang mga ito na malaki ang maitutulong ng operasyon ng Tampakan Copper-Gold project ng Sagittarius Mines Incorporated (SMI) upang maibsan ang epekto ng COVID 19 pandemic at upang mapaunlad ang ekonomiya at estado ng Blaan Community at mga IPs sa lalawigan.

Ang SMI ay gagamit ng open pit mining method sa pagmimina sa Tampakan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *