Pagbibigay ng permit sa mga pagawaan ng paputok sa Bulacan, sinuspinde

Hindi na muna magbibigay ng mga business clearances ang isang barangay sa Sta Maria, Bulacan matapos ang pagsabog ng isang fireworks factory kamakalawa na ikinasugat ng sampung indibidwal.

Ito ay kahit na nag-uumpisa nang mag-apply ng permit ang ilang mga pagawaan ng paputok dahil sa nalalapit na Bagong Taon.

Sa opisyal na ulat mula sa Barangay Pulong Buhangin, napagkasunduan ng mga opisyal nito na magkaroon ng mas mahigpit na screening at inspection sa mga negosyo ng paputok.

Kasama ang mga pulis at bumbero – iinspeksyunin nang maigi ang isang pagawaan o imbakan bago ito palusutin at bigyan ng permit.

Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan na ang hindi inaasahang mga pagsabog ng mga paputok.

Pinatitiyak din hindi makalulusot ang mga imbakan o pagawaang ipatatayo malapit sa mga kabahayan.

Hinikayat naman ng Sta Maria Police ang publiko na kaagad mag-ulat sa kinauukulan sakali mang mayroong makitang mga iligal na bentahan at pagawaan ng paputok.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *